Monday, May 28, 2007

Ang Pag-Ibig ba ay Para ba sa Lahat....

Nang nasa bakasyon ako sa Pinas nakapanood ako sa tv ng isang tunay na kwento tungkol sa mag-asawang pinalayas ng anak dahil ang kanyang ina na biyuda ay umiibig sa isang lalaki. Ang bagong minamahal na lalaki ng kanyang ina ay kasing idad naman nya sa aking tingin ay wala namang masama doon. Ang anak ay siguro mga nasa paga sinkwenta na kung magkagaynon ang kanyang ina ay siguro lampas 70 na.

Dahil ang kanyang amain ay walang hanap-buhay or mahirap lamang, mukhang ang anak ay naaburido at hindi matanggap na ang kanyang ina sa ganoong idad ay kumarengkeng pa. Sa galit ay pinalayas nya ang mag-sing irog. Magmula nuon namamalimos na lang ang 2 matanda at nakikitulog kung saan abutin.

Pumasok sa aking isipan ang pangyayaring ito kung sakaling mangyari ito sa buhay ko – na ang aking ina ay magmahal ng iba pagkatapos ng ilang taon mula ng mamatay ang aking ama.

Ako ay nagisip. Masama nga bang magmahal kung lampas 70 anyos kana. Ang pag-ibig o ang umibig ba ay para lang ba sa mga bata. Wala na bang karapatan umibig uli ang isang biyudo or biyuda na lampas 70 anyos na . Naikwento ng aking ina nuong minsan umuwi siya sa probinsya na ang pinsan ng lola ko na biyudo ay nag asawa uli na sobrang bata sa kanya. Ang idad ng asawa nya ay parang 28 anyos ata samantalang ang tiyuhin (tawag ko sa kanya ay lolo) ng ina ko ay parang malapit na sa 80. Para silang sina Dolphy at Zha zha ang pinagkaibahan lang ay si Dolphy mayaman siya hindi. Umaasa lang si Lolo sa kanyang karampot na pension at sa bigay ng kanyang mga anak na propesyonal na nagtratrabaho sa abroad. Dahil sa nag-asawa na si Lolo ang mga anak nya ay nagalit at hindi na sya binibigyan ng pera. Ang masama pa daw nito ayon sa aking ina ay pinalayas sya sa kanilang tahanan.

Ngayon, tinatanong ko ang aking sarili kaya ko bang gawin ito sa aking ina kung sakaling umibig sya ulit sa ganoong idad. Kaya ko ba syang palayasin sa aming tahanan. Hindi ba ako makokonsensya?. OO aaminin ko ako na ang bumubuhay sa kanya pero dapat ba ako na rin ang kokontrol ng buhay nya.

Siyanga pala ang ina ako ay nabiyuda nuong taong January 1976. Ang idad nya nuong taong iyon ay 35 yrs old. Ako naman ay 9 yrs old. Nuong ako ay nagkolehiyo natatandaan ko na pumasok sa aking isipan na kung sakaling mag-aasawa ang aking ina ito ay aking sasalungatin. Sa madaling salita, pipigilan ko siya.

Nuong ako ay nag-aaral palang, laging sinasabi na aking ina na kaya daw hindi na siya nag-asawa dahil para sa amin. Ayaw daw nyang Makita na minamaltrato kami ng kanyang bagong asawa. Hindi daw nya kayang makita na ginugulpi kami ng aming amain at mabawasan ang kanyang pagmahal sa amin kung saklaing magka-anak pa sya ulit. Sa panahong iyon, ang katagang ito ng aking ina ay pumasok sa aking isipan ng ganoon na lang para ba itong pagkariniwan lang na salita na pumasok sa butas ng aking tainga at lumabas sa kabila.

Tinupad naman ng ina ko ang kanyang pangako na hindi na muling nag-asawa. Pero ang ginawa nyang ito ay nagkaroon lang ng halaga nang ako ay nag-asawa na at naging ama.

Hindi pala madali iyong mabiyuda o mabiyudo lalo na kung bata ka pa. Ang single parent ay ikaw lahat aako bilang ama at ina ng tahanan at kapag may problema ka wala kang katulong o masabihan man lang ng iyong mga pasan na problema para kahit paano mabawasan ito. Ito ay sa pinansyal na aspeto lamang. Paano pa iyong emosyonal, physical at sexual na pangangailangan.

Siguro kung ngayon mag-aasawa ang nanay ko palagay ko maiintindihan ko na siya. Kaya lang hindi na pwede datan na sya at ang hilig na lang nya ay magbingo, mamasyal at magshopping. Dahil sa kakayahan nyang itaguyod kaming magkapatid kahit wala na si itay at hindi na naisapang mag-asawa pa, ito lang masasabi ko maraming salamat po inay.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home