Wednesday, September 12, 2007

Balik Tanaw

Akin pang naalala nuong unang punta ko rito sa Nigeria. Batang bata pa ako at wala pang masyadong muang sa mundo. Ni sa panaginip ay hindi sumagi sa isip ko na pumunta sa Nigeria. Sa tutuo lang ni hindi ko pa narinig ang Nigeria habang nagaaral ako sa collegio.

Minsan talaga hindi mo aakalain ang mga pagkakataon na bigla na lang darating sa buhay mo. Meron maganda at meron naman hindi. Ang pagpunta ko rito sa Nigeria ay hindi sinasadya.

Balikan natin ng tanaw kung bakit nga ba ako napadpad sa hindi kilala at malayong lugar na ito. Pagkatapos ko sa isang collegio sa lunsod ng Maynila agad akong nakapasok sa isang kilalang auditing firm sa Makati. Halos tatlong taon akong nagtrabaho doon at nagpasyang magpatuloy na kumuha ng kursong abugasya. (Buti na lang hindi ako nakapagtapos kung hindi baka isa pa ako sa kaiinisan ng mga taong bayan).

Habang kumukuha ako ng kursong abugasya, isang kapitbahay, tawagin na lang natin siyang botchok, ang lumapit sa akin at sabi na ang agency nila ay naghahanap ng CPA para sa Nigeria. Sabagay wala naman mawawala kung sakaling magapply ako, so pinabigay ko sa kanya ang aking CV at sabi ko isubmit sa kanyang agency. Hindi naman ako umaasa na makukuha at talagang naka focus ako sa aking pag-aaral.

Wala pang 2 linggo sabi sa akin ni Botchok na na shortlisted daw ang CV ko at isasalang ako sa interview dahil padating daw ang may-ari (Chairman) ng Company sa araw ata ng Lunes iyon sa Manila Hotel.

At dumating ang araw ng interview, diyusme ang dami pala kaming na shortlisted halos 20 ata iyon. So hinanap ko ang recruiter at dahil hindi naman nya ako kilala personally doon nya ako sinalang sa bandang hapon mga 4:00 pm na ata iyon matakin mo dumating ako sa Manila Hotel ng 7:00 am. To cut the story short, natanggap naman ako.

Nalaunan napagalaman ko na ang recruiter na iyon ay mabait talaga at madaming natulungan. Sa tutuo lang hindi naman siya talaga agency pero tumutulong siya sa mga pinoy na gusting magabroad for free. Yes nabasa nyo ng tama for free. Sinong may sabing hangin lang ang libre sa mundo. Bilang tanaw sa ganda ng kanyang kalooban ay tuwing uuwi ako ay may dala akong alak at yosi sa kanya bilang pasalubong.

Pero meron isang pagkakataon na pumunta ako sa kanyang upisina ngunit nadatnan ko ang alalay nya na hindi ko naman kilala. So sabi sa akin ah isa ka sa natulungan ni amo di ba. Sabi ko Oo at nandito ako para ibigay ang pasalubong ko. Ang sabi ba naman sa akin ay wala siya eh ibigay mo na lang sa akin iyan at ibibigay ko sa kanya. Wala akong nagawa kundi ganoon na lang since ayaw ko ng bumalik ulit doon dahil malayo ang bahay ko. Paalis na ako eh sabi ba naman sa akin ng alalay wala ba tayong pangyosi bigyan mo naman ako at palatuhan. Medyo nayamot ako pero wala akong magawa kundi magbigay. Ganoon siguro kapag OFW ka dapat lagi kang namamalato at akala ng karamihan sa atin ay umeebak tayo ng dolyares.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home